…Ang Kwento ng mga Tao sa Bayang Walang Hope (3)

Biyernes Santo

“Sa kabigatan ng Kurus…
Na pinapasan ni Hesuus..
Ay agad napasubasoob..
Sa lupa’t mga alabok…
Ang mukhang kalunos-lunos…

“Kung itindig niya namaan…
Nanginginig ang katawaan…
At halos di makayanaan…
Sa di kawasa’y napagaal…
Tumaha’t nagtanaw-tanaaw…”*

*mula sa Awit at Salaysay ng Pasiong Mahal 2005 edition

Parang ingit ng kinakayod na bakal ang binabasang pasyon, pilit na nanunuot sa harurot ng mga kotse, sa halakhak ng mga bampirang gumagala sa dilim. Nagsusumamo ang panalangin, pilit na binabasag ang lambong ng gabi, pilit na inaabot ang Langit.

Biyernes Santo. Araw ng pagpatay sa Diyos.

Araw ng mga nagtitika
Ng mahabang penitensya
Ng pagpapapako sa krus
Ng mga naniniwala
At nanghihingi ng awa.

Dati-rati, madaling araw nagsisimula ang penitensya. Sa dilim ang unang hagupit ng latigo, ang unang pulandit ng dugo. Sa dilim hinihiwa ang namamagang likod, upang sumirit ang dugo sa bawat hagupit. Sa dilim nagsisimula ang pagdurusa.
Hindi ngayon.
Mataas na ang araw nang magsimula ang lahat. Isa-isa, palinga-linga, lumabas ang mga lalaking may itim na belo at may pasang krus, hinahampas-hampas ang likod ng mga lalaking nakatakip rin ang mukha. Palinga-linga ang mga humahagupit sa mga nagpipinetensya, tila ba natatakot sa pulandit ng dugo.
Mag-ingat mga katoto
Sa sumisirit na dugo
Sa amoy ng pagkain
Baka may dyablong magising
Dugo natin ay ubusin.

Gitgitan ang mga tao
Na makita ang Hudyo
Mapanood ang may sala
Ang pagalipusta sa Diyos
Bago ipako sa Krus.

Amoy pawis ang hangin at lasang alikabok, na paminsan-minsa’y may halong tamis at alat ng dugo. Mahaba ang prusisyon ng mga taong nagpipinetensya.

Mahaba ang nakapila’t
Naninikluhod sa langit
Nagsusumamo at pilit
Sa Diyos nakikiusap
Namamalimos ng habag.

Ang mga tao’y nakamasid
Nagbibilang ng hagupit
At nang sa dinadalang Krus
Napalugmok tong si Hesus
Mga tao’y nagsigalit.

“Tama na!” sigaw ng isang bata, sabay pukol ng bato. Bigla, kumilos ang mga taong tila iisa, pasugod sa may hawak ng latigo, na halatang nabigla.
“Tama na!” sumisigaw sila, galit na galit. Tumakbo ang berdugong hindi naiintindihan kung ano ang nangyari. Naiwan ang nagpipinentensyang naguguluhan din.
“Tama na,” nakatawa si James, iiling-iling na nakangiti habang pinapanood ang paghabol ng mga tao sa berdugong kumaripas ng takbo. “Tama na nga naman.” Saglit itong humitit sa hawak na sigarilyo, pagkatapos ay maingat na pinatay ang upos at ibinulsa ang natitirang kalahati pa. Kailangang magtipid; walang Hope sa Sta. Filomena.

Hindi ‘to, mga katoto
Simula ng panggugulo
Ang paglaban sa berdugo
Ay pagtatanggol kay Kristo
At paglaban rin sa Dyablo.

Tumahimik ang buong Sta. Filomena pagsapit ng alas-tres. Natapos na ang Pasyon, at lahat ng mga tao’y nasa simbahan o nasa bahay, nagdarasal sa harap ng altar. Pilit na inaangat ang nakalambong na dilim, pilit na inuungot sa Langit ang kanilang mga panalangin.
“5pm- 7pm prusisyn. Pnahon n pra mlaman kng ilan s mga kyang mgsunog ng baga ang kayang magtaya ng b***g,” umikot sa Sta. Filomena ang text ni James.
Bawat isang makabasa, kinakapkap ang sigarilyong nasa dibdib, o humihitit sandali saka papatayin ito at ititira ang kalahati. Lahat sila may Hope; lahat sila nagsisigurong hindi sila mauubusan.

Sa simbahan, naghahanda na si Padre Gomez. Hindi niya alam kung ilan ang sasama sa prusisyon, pero nakahanda na ang mga kandila, ang mga balde ng agua bendita at ang mga rosaryong nabasbasan. Nakabihis na ang mga Santo, nakalabas na ang mga karosa.
“Sa araw na ito pinatay si Kristo. Walang Diyos kapag Biyernes Santo, ang sabi-sabi ng mga matatanda,” nagsasalita si Padre Gomez sa mga taong nagtipon sa simbahan bago ang prusisyon. Wala pang 200 ang mga ito; kalahati ay ang mga manang na nagbasa ng pasyon, at mga anak at kaanak nila.
“Ngunit ang Diyos ay wala sa Langit; hindi ito nakatira sa simbahan, naghihintay ng alay at dasal. Nasa puso natin si Kristo, nasa diwa. Siya ang gumagabay at nagpapakilos sa atin. Hindi siya mamamatay hanggang naniniwala tayo at nananangan sa kakayahan niyang baguhin ang mundo.”
“Mamamatay lang siya kung tatalikod tayo sa paniniwala. Ngayong Biyernes Santo, patunayan nating buhay si Kristo. Magpuprusisyon tayo hanggang gabi, kagaya ng nakagawian. Bahala ang Diyos sa atin.”
Itataya ko ang kaluluwa ko na buhay si Hesus, naisip ni Padre Gomez habang bumababa sa pulpito. Buhay at mananaig sa kasamaang bumabalot ngayon sa Sta. Filomena. Pero ilan kaya ang babakas sa akin?
Saglit niyang naalala ang biro sa kanya minsan: Ang hirap sa inyo Father, ayaw ninyo ng jueteng kasi masyadong small time. Sanay kasi kayong buhay ang ipinupusta.
Oo nga, napangiti si Padre Gomez. Kaluluwa ang itinataya ko; Diyos lang ang inilalaban ko ng pustahan.
Ama ko, ipinauubaya ko sa iyong mga kamay ang aming kaluluwa, tahimik na dasal ni Padre Gomez habang palabas ng simbahan. Nakabilad sa init ng araw ang mga manang, ang mga karosa, ang mga Santo, naghihintay. Gaano man kainit ang araw, alam ni Padre Gomez, darating ang gabi; lulukob ang dilim.
Kaya sana silang ibalik sa simbahan ng kandila at panalangin.

“Nasaan ba iyon? Dito ko lang naitabi iyon. Binili ko iyon ng pagkamahal-mahal, tapos ngayong kailangan, di naman makita…” bubulong-bulong ang nanay ni Juan. Paikot-ikot itong naghahalughog sa bahay.
“Sasama ba tayo sa prusisyon, Mommy?” Kanina pa nakabihis ang pitong taong si Juan: pantalong maong, leather shoes at, kahit na pagka-init init ng araw, long-sleeved, turtle neck shirt na itim. Baka raw guminaw sa gabi, pilit ng nanay niya. Kahit alam ni Juan na hindi ito totoo, hindi na siya nagpahalata.
Basa na ng pawis ang t-shirt niya, pero nagiisa ito at ayaw na ayaw siyang payagan ng nanay niyang magpalit.
“Sandali na lang, gagabihin tayo mamaya. Hindi tayo pwedeng gabihin nang wala iyon,” sabi ni Mrs. Alcaraz, na patuloy sa paghahanap ng kung anuman ang hinahanap.
“Aha! Nakita ko rin!” at dali-dali nitong isinuot ang neck brace na binili nung kumalat ang tsismis na bampira na raw ang mayor nila. “Halika dito, Juan. Bumili rin ako ng pambata nito.”
Maya-maya pa, lumabas na ang mag-inang Alcaraz: nakasuot ng rosaryo, naka-matching turtle neck shirt na itim, at parang may goiter sa kapal ng leeg.
“Hi, Chit!” Bati ng amiga ni Mrs. A nang magkita sila sa harap ng simbahan. Nakaputi naman si Norma, mula sa headband nito hanggang sa sosyal na sandals, at sa neck brace na bagong-bago. “This is the fashion statement of the year,” sabi ni Norma habang nagbe-beso-beso sila ni Mrs. A.
Nagpalinga-linga si Mrs. A sa harap ng simbahan. Karamihan ng mga kakilala niya, naka-neck brace. Iba’t ibang kulay at design: may gold, may tiger stripes, may parang Louis Vuitton. Hmp! Sabi na nga ba hindi dapat flesh colored ang binili ko, napaismid si Mrs. A.

Sa studio, naghahanda na rin si Julia sa pagko-cover ng prusisyon. Checklist: battery, camera, tape, rosary, neck brace.
Neck brace?
“Kailangan ko ba ng neck brace?” Tanong ni Julia sa office secretary niya. “Okay naman ang leeg ko, last time I checked.”
“Bruha! That’s the latest fashion statement. At kailangan mo iyan dahil gagabihin ka.”
Ow. Napaisip si Julia. Siguro nga drug addict lang ang mayor ko. But just the same…“Wala bang pula? Mas bagay sa miniskirt ko yun.”

Alas-singko na ng lumabas ang prusisyon, pinangungunahan ni Padre Gomez, at ng mga manang na mahigpit ang hawak sa rosaryo.
Klang! Klang! Patuloy ang tunog ng sakristan sa hawak na kampana. Sige naman ang wagayway ng isa sa insenso, kaliwa, kanan, hanggang sa mapuno ng usok ang daan.
“Aveeee Mariaaa…” nananaghoy ang lumang tape recorder sa unang karosa, si San Pedro na may hawak na puting manok.
Diretsong-diretso ang tingin ni Padre Gomez, naglalakad sa likod ng sakristang may hawak na malaking krus. Dinig pa sa harap ang banda sa likod, pagkatapos ng Santo Sepulcro, ang Kristong patay, ang ililibing na Santo.
Nakahilera ang mga tao sa daan, nanonood ng prusisyon. May mga naglabas na ng silya sa tagal ng paghihintay. May mga naghanda ng inumin para sa mga nagpu-prusisyon, o mga tinapay. Masaya ang mga batang tumatakbo pabalik-balik sa simula at dulo ng prusisyon.
Mabagal ang lakad ng prusisyon; habang dumidilim, dumadalas ang palinga-linga ng mga tao, parang natatakot. Bumubulong-bulong ng rosaryo ang mga manang habang naglalakad.
Dapithapon.
Unti-unting tumahimik ang Sta. Filomena. Nawala ang mga tao sa daan. Unti-unting nagsara ang mga bahay, ini-lock ang mga pinto at mga bintana.
Sa kabilang bahagi ng Sta. Filomena, sa commercial district, unti-unting nabuhay ang mga malls, ang mga magagarang restaurants, ang mga bar. Unti-unting naglabasan ang mga mayayaman at mapuputlang mamamayan ng Sta. Filomena.
Sa prusisyon, nagsimulang magsindi ng kandila ang mga tao. Isa-isang dinasalan iyon ni Padre Gomez simula pa lang ng Semana Santa, na sana’y maging ilaw nila sa dilim.
“Aba ginoong Mariaaaa…Napupuno ka ng grasyaaaa…” parang panaghoy ang dasal ng mga matatandang nagro-rosaryo, palakas ng palakas habang dumidilim. Paulit-ulit ang dasal, kaliwa’t kanan ang insenso. Sa lumalambong na dilim, parang nakikita ni Padre Gomez ang mga dasal at insenso na bumabalabal sa mga nagpuprusisyon.
Bawa’t daanang bahay ng prusisyon, isa-isang nagbubukas ng pinto, nagsisindi ng kandila, sumasama sa dasal. Paisa-isang lumalabas ang mga taga-Sta. Filomena at sumasama sa prusisyon.
Humaba ang prusisyon. Hindi na naririnig ni Padre Gomez ang tugtog ng banda sa dulo ng prusisyon. Hindi na niya nakikita ang Magdalenang may hawak na panyo na natatakan ng mukha ni Kristo ng ipahid ito sa Kanya.
Sa dami ng nagrorosaryo, parang umuugong na alon ang boses ng mga tao. Paulit-ulit ang dasal, nananaghoy, nananawagan, nananangan sa Diyos.
Sa dako pa roon, sa dilim ng gabi, may nakikitang mga mata si Padre Gomez, nanunood, naghihintay. Paurong nang paurong ang mga mata, palayo sa insenso, sa dasal, sa ilaw ng mga kandila. Alam ni Padre Gomez, sa likod ng prusisyon, may mga matang nakasunod, naghihintay, nagaabang.

Ang daming tao!
“Sumama na kayo!” Pakaway-kaway si Mrs. A, daig pa ang pulitikong nangangampanya. Bawa’t kakilalang makita sa mga bahay na madaanan, tinatawag niya, kinakawayan, nginingitian. “Halika na! Sama-sama tayo rito!” Kahit hindi niya kilala, kinakawayan na niya, niyayakag. Tuwang-tuwa siya sa dami ng taong sumama. Akala niya, sila lang ng mga amiga niya ang malakas ang loob na magprusisyon sa gabi sa Sta. Filomena. Marami pala sila.
Tahimik si Juan sa tabi niya, nakahawak sa kamay niya. Nakikita ni Juan, may mga mapupulang mata sa mga gilid ng bahay, sa madidilim na sulok ng daan. Minsan, pag sandaling tumigil ang dasal, may naririnig siyang sumisingasing, parang pusang galit na galit.
Pero magsisimula ulit ang rosaryo at matatabunan anumang ingay ang narinig niya. Umuurong ang mga mata sa paglapit ng prusisyon, natatakot sa liwanag nito.
“This is the biggest gathering there has been in Sta. Filomena for quite sometime, especially at night,” excited si Julia sa pagkukuwento sa regional headquarters nila sa Hong Kong.
“Well, of course it’s purely religious…no, not exactly that big an event in terms of national significance…yeah, it disproves those rumors about vampires in town…okay. I’ll just keep it on file.” Walang istorya.
Good Friday rally rouses Sta. Filomena. Walang violence, walang drama, at tapos na ang istorya ni Mayora with her famous “I Am Sorry…” line na exclusive pa nga ni Julia. Oh well.
Sama na lang ako sa rally, naisip ni Julia. Ngayon lang siya uli nakapaglakad ng gabi sa Sta. Filomena.
Dumami nang dumami ang mga tao hanggang sa magmukhang fiesta ang prusisyon. Nagtatakbuhan na naman ang bata, naglalaro paroo’t parito sa gitna ng mga linya ng kandila. Tuwang-tuwa ang mga taga-Sta. Filomena.
Kaya pala pag sama-sama, sabi nila. Parang natapos ng maaga ang Biyernes Santo, nilaktawan ang Sabado de Gloria, at dumating na ang Pasko ng Pagkabuhay. Nakangiti ang mga apostoles na naglalakad sa tabi ng Santo Sepulcro, at nawala ang panaghoy sa pagrorosaryo ng mga tao.
Masayang-masaya si Padre Gomez. Kalahati ng Sta. Filomena ang sumama sa prusisyon. Napatunayan niyang kahit sandali, kayang iwaksi ng panalangin ang dilim, kayang itaboy ng mga kandila ang gabi.

Sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang dating. Alas-otso na ng makabalik ang prusisyon: napabagal sila sa dami ng sumasama.
Tahimik ang simbahan, saradong-sarado. Ilang sakristan lang ang iniwani ni Padre Gomez para magbantay sa simbahan at salubungin sila.
“Aveee Mariaaa…” halos di na marinig ang kanta sa ingay ng mga tao; sa tawanan ng mga batang hindi pa rin napapagod sa kalalaro. Sige pa rin ang wagayway ng sakristan sa insenso, at ang pagtunog ng kampana.
Nawala na ang takot ng mga tao: nagbibiruan at nagtatawanan sila ng unti-unting tumigil ang prusisyon sa harap ng simbahan.
Gaya ng inaasahan, unti-unting bumukas ang pinto ng simbahan upang makapasok ang prusisyon.

Ang dugo sa harap ng altar, sa mismong paanan ng Immaculada Concepcion, ang unang nakita ni Padre Gomez.
Pagkatapos, ang mga duguang bangkay ng mga sakristan na nakapatong, parang baboy, sa altar. At sa harap nila, ang hepe ng pulis: nakangisi, pula ang mata, may dugo sa bibig.
“Wala sa simbahan ang diyos,” ang sabi nito, nakatingin kay Padre Gomez. Saka kinuha ang mike na ginagamit para sa misa, at inulit: “WALA SA SIMBAHAN ANG DIYOS!!!”
Hinablot nito ang isang bangkay ng sakristan at ibinalibag sa harap ni Padre Gomez: saglit na nakita ng pari ang putlang-putlang katawan na may dalawang butas sa leeg.
WALA SA SIMBAHAN ANG DIYOS! Matangkad, mataba, parang gorilyang naglakad ang hepe ng pulis patungo kay Padre Gomez at sa mga sakristang may hawak ng krus, ng kampana, at insenso. Kitang-kita ni Padre Gomez ang kumikinang nitong pangil, sampu ng mga kasama niyang pulis.
Nagngunguyngoy ang mga manang, pero sige pa rin sa pagrorosaryo. Nagtakbuhan ang mga tao palabas sa simbahan, pasalubong sa mga nagkwekwentuhang galing sa likod na patuloy ang pasok, walang kamalay-malay sa nangyayari sa loob. Sa likod niya, naririnig ni Padre Gomez ang tawanan, na unti-unting napapalitan ng sigawan, iyakan, at pagkakagulo ng mga nagprusisyon.
WALA SA SIMBAHAN ANG DIYOS. Paulit-ulit ang hepe ng pulis, nakangisi. Patuloy na lumalapit. WALA SA SIMBAHAN ANG DIYOS. Paulit-ulit. Parang nanunuya ang mga pulis, habang palapit nang palapit. Nanginginig ang mga sakristan; walang makakilos. Tumulo ang isang patak ng dugo sa bibig ng hepe: sariwa pa ito. WALA SA SIMBAHAN ANG DIYOS.
“Wala sa simbahan ang Diyos!” Hinablot ni Padre Gomez ang krus sa nangangatog na sakristan. “Nasa puso ito ng mga taong nananalig sa Kanya!”
Sa kamay ni Padre Gomez, nagliwanag ang kahoy na Krus, isang puting-puting liwanag na bumalot sa buong simbahan.
Napayukong nasisilaw ang mga pulis. Napatigil ang hepe, sa harap mismo ng mga sakristan.
“Wala siya sa altar o sa mga Santo. Ang himala ng Diyos ay sa puso ng tao nagsisimula!” Nangangatog si Padre Gomez, hindi sa takot kundi sa galit.
Umurong ang hepe sa paglapit ng pari; nawala ang ngisi sa mukha.
“Tama ka, WALA SA SIMBAHAN ANG DIYOS!” Parang espada sa kamay ni Padre Gomez ang kahoy na krus: takot na takot na umiiwas ang mga pulis sa bawat hambalos. “Nasa puso ko ang Diyos; nasa puso ng bawa’t naniniwala sa Kanya!”
At hinampas niya ang pinakamalapit na pulis; sumabog ito, nag-apoy, pagtama ng krus. Tumakbo ang hepe ng mga pulis, kasunod ang iba pa.
Unti-unting nawala ang liwanag ng krus ng ibaba ito ni Padre Gomez sa marmol na sahig ng simbahan.

Sa palasyo ni Mayora, nagsusulat si Mr. Press Officer.
“What happened was a legitimate police operation, following reports of destabilization attempts by people who had no respect for the sanctity of the Church and had decided to take shelter there.
We deplore the cold-blooded murder of the Church sacristans, whom the police found when they went to search the Church for terrorists. We appeal for calm and call on everyone to withhold judgment until a full investigation has been made.
We will ensure that those who killed the Church sacristans, as well as the police officer, will be held accountable to the full extent of the law.”
“Isama mo diyan: We will not allow terrorists to hold hostage our democracy,” sabi ng military chief ng Sta. Filomena. “At tigilan mo ang kangunguynoy,” lumingon ito sa hepe ng pulis. “Ni hindi ka nga tinamaan.”
“In the interest of public order and safety, we are temporarily banning public gatherings and demonstrations.” Patuloy sa pagta-type si Mr. Press Officer. “This is pursuant to EO…”
”Ano nga iyong matandang EO na nahalungkat mo?” tanong nito sa public prosecutor na kasama. Nagmamadali sila; kailangang matapos ang press release bago mag-umaga.

Sa loob ng simbahan natulog ang mga tao; walang naglakas-loob umuwi kahit nagpulasan na ang mga bampira.
Pinapanood sila ni James habang hinihitit ang kalahating Hope: para silang mga refugees, tabi-tabi, nakasiksik sa mga sulok, nakahiga sa mga silya.
“Sinusulat natin sa dugo ang ating kasaysayan, mga kababayan,” bulong nito sa mga natutulog na nagprusisyon.
“Pero hindi ako susuko. Anuman ang mangyari, mananalig ako, maghihintay, mananatiling umaasa.” Pinatay ni James ang natitirang Hope, at ibinulsa. Hindi pa tapos ang laban ng mga taga-Sta.Filomena.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: